Home OPINION IMPEACH WALANG SILBI KUNG PWEDE SA KORTE

IMPEACH WALANG SILBI KUNG PWEDE SA KORTE

3
0

KUNG magpapatuloy ang kaso ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Branch 98 na grave threats, posibleng mauwi sa wala lahat ng kasong impeachment sa sinomang impeachable official, maliban sa Pangulo.

Sa simpleng salita, kung pupwede pala sa regular na korte na kasuhan ang impeachment official ng kasong kinahaharap nito sa Impeachment Court, ano pa ang silbi ng Impeachment Court at pagdinig nito sa kaso?

Pinakamalaking halimbawa rito ang mga grave threats ni VP Sara na sabay ngayong hinaharap ng RTC at dinirinig ng Impeachment Court.

Ang sabi ng iba, magkaiba ang uri ng mga kaso gaya ng pagturing na kasong kriminal ang grave threats na sakop ng RTC habang administratibo ito sa anyo ng paglabag sa Konstitusyon na sakop naman ng Impeachment Court.

Sa RTC, pupwedeng makulong si VP Sara habang matatanggal lang siya pwesto sa Impeachment Court at parehong mauuwi ang lahat makaraan sa pagkakulong at pagbabawal kay VP Sara na muling humawak ng anomang pwesto sa pamahalaan sa bisa man ng halalan o pagtatalaga o appointment.

HINDI PA TAPOS SA RTC

Ipinagpaliban lamang ang arraignment kay VP Sara at hindi pa tapos ang kaso.

May mga isinalang na problemang ligal ang kanyang kampo kaya pumayag si RTC Judge Maria Angelica De Ramos ngunit hindi isiniwalat ang mga ito ni defense lawyer Paul Laurence Lim.

Pero tiyak na kaiba ang mga ito sa ligal na usaping isinalang nina Lim gaya ng motion to quash o pagpapawalang-saysay sa sumbong o complaint at pagpapaliban ng paglalabas ng warrant of arrest.

Namayani ang paniniwala ng korte na may probable cause sa grave threats na kung saan malaki ang tsansa na mauuwi ito sa pagdedeklarang guilty si VP Sara.

Ngunit dahil nga sa huling kaganapan na pinagbigyan ang kampo ni VP Sara na ipagpaliban ang arraignment o pagtanggap o pagtanggi nito na guilty sa bintang, may bigat ang mga problemang ligal na iniharap laban sa arraignment.

TESTINGAN SA RTC

Kapag itinuloy ng RTC ang kaso, dito magkakaroon ng malaking problema.

Pupwede nang sampahan ng iba pang mga kaso si VP Sara at posibleng isa sa mga ito ang plunder o pandarambong batay sa naganap na Misuse o Maling Paggamit ng Confidential fund na mahigit P600 milyon mula sa Office of the Vice President at Department of Education.

Kaiba ito sa naganap na mga kaso laban kay dating Chief Justice Renato Corona na saka lang siya sinampahan ng kaso na pagbawi ng iligal na yaman o forfeiture makaraan siyang ideklarang guilty ng Impeachment Court noon.

Itong pagsasampa ng kaso ay karaniwang ginagawa matapos ang impeachment lalo na kung madeklarang guilty ang impeachable official, gaya ni Corona.

Kung mauulit ang ginawa ng QCRTC na ideklarang may probable cause sa plunder, maiisyuhan si VP Sara ng warrant of arrest at makukulong nang walang piyansa.

Kung kailan naman madedeklarang guilty o inosente si VP Sara, Diyos lang ang makaaalam at marahil, lalagpas ang pagdinig sa 2028.

Higit pa, kung madedeklara siyang guilty, baka matapos na ang termnino ng Bagong Presidente sa halalang 2028 ay saka lang lalabas naman ang pinal na desisyon ng Supreme Court.

Sey n’yo, mga Bro?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here