MANILA, Philippines — Posibleng bumagsak sa ₱63 kada US dollar ang halaga ng piso sa loob ng mga susunod na araw kasabay ng presyur mula sa mataas na presyo ng langis at inaabangang desisyon ng US Federal Reserve, ayon sa isang ekonomista.
Nagsara ang piso sa panibagong record low na ₱62.86 kada $1 nitong Lunes, Setyembre 14, mula ₱62.68 noong Biyernes. Umabot din ito sa intraday low na ₱62.875, batay sa datos ng Bankers Association of the Philippines.
Sa isang panayam, sinabi ni Prof. Emmanuel Leyco na maaaring lalo pang humina ang piso kung magtataas ng interest rate ang US Federal Reserve.
“Baka bukas makalawa, baka sumampa na tayo sa P63,” ayon kay Leyco.
Nakatakdang idaos ng Federal Open Market Committee ang two-day meeting nito sa Setyembre 15 at 16. Mataas din ang inaasahan ng mga merkado na maaaring magtaas ng interest rate ang Fed sa pulong na ito.
Isa rin sa nagpapabigat sa piso ang mataas na presyo ng langis. Lumampas na sa $100 kada bariles ang Brent crude bunsod ng mga tensyon at supply disruption sa Middle East, na nagpapataas sa dollar requirements ng Pilipinas bilang oil-importing country.
Hinimok naman ni Leyco ang gobyerno na ikonsidera ang pagsuspinde sa excise tax sa produktong petrolyo at pagbabawas sa value-added tax upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga mamimili.
Iginiit din niya na kabilang sa higit na naaapektuhan ang middle class na hindi karaniwang sakop ng mga programang ayuda ng gobyerno. Dave Medina