BRUSSELS — Nakatakdang magmungkahi ang European Union ng pagbabawal sa mga batang wala pang 15-anyos na direktang gumamit ng social media, AI chatbots, video-sharing platforms at online games bilang bahagi ng mas mahigpit na proteksiyon sa mga menor de edad online.
Batay sa draft ng EU Kids Act na nakita ng Reuters, maaaring magkaroon ng sariling account ang mga edad 15 pataas, habang ang mga batang 13 hanggang 14 ay maaari lamang magkaroon ng introductory accounts na bubuksan sa ilalim ng parental control, limitadong contacts at mahigpit na time limits.
Para naman sa mga edad 3 hanggang 12, tanging child-friendly services na mahigpit na kontrolado ng magulang ang maaaring gamitin, habang walang access sa naturang digital services ang mga batang wala pang tatlong taong gulang.
Saklaw ng panukala ang malalaking platform gaya ng Facebook, Instagram, TikTok, YouTube at mga AI chatbot tulad ng ChatGPT.
Inaasahan ding obligahin ang mga kumpanya na magpatupad ng age verification, parental controls at mas madaling paraan ng pag-report ng harmful content, habang pagbabawalan ang mga disenyong maaaring maghikayat ng addictive use.
Magbabayad din ang mga platform ng supervisory fee upang pondohan ang pagpapatupad at pagbabantay ng mga regulator.
Inaasahang ihaharap nina European Commission President Ursula von der Leyen at EU tech chief Henna Virkkunen ang panukala ngayong linggo.
Gayunman, panukala pa lamang ito at hindi pa umiiral na batas. Kailangan pa itong talakayin at aprubahan kasama ang mga bansang miyembro ng EU at European Parliament, at maaari pang magbago ang mga detalye bago ang pinal na bersyon. Dave Medina