PARIS, France — Nakatakdang magsagawa ang United Nations Security Council ng pagpupulong tungkol sa artificial intelligence (AI) sa susunod na linggo, sa gitna ng lumalaking pangamba sa posibleng epekto nito sa pandaigdigang seguridad at sa mga bata.
Ayon sa isang French diplomatic source, gaganapin ang pagpupulong kasabay ng United Nations General Assembly sa New York habang hawak ng France ang rotating presidency ng Security Council ngayong Setyembre. Wala pang ibinigay na eksaktong petsa.
Inaasahang kabilang sa mga tatalakayin ang posibleng “existential threat” ng mabilis na pag-unlad ng AI at ang mga panganib nito sa kaligtasan ng mga bata.
Dumarami rin ang panawagan sa iba’t ibang bansa para sa mas mahigpit na regulasyon sa AI dahil sa potensiyal nitong epekto sa seguridad, misinformation at iba pang online harms.
Nauna nang nagsagawa ang Security Council ngayong Setyembre ng informal dialogue tungkol sa paggamit ng AI sa conflict resolution, kabilang ang peacekeeping, ceasefire monitoring at paglaban sa disinformation.
Kasabay nito, inaasahang magiging pangunahing usapin din sa UN General Assembly ang mga sigalot sa Gaza, Lebanon at Ukraine. RNT