Home LIFESTYLE HEALTH Klase sa mga paaralan sa Albay, sinuspinde ngayong linggo sa dumaraming kaso...

Klase sa mga paaralan sa Albay, sinuspinde ngayong linggo sa dumaraming kaso ng dengue

1
0

ALBAY, Philippines – Suspendido ang klase sa mga paaralan sa Albay ngayong linggo habang pinaigting ng mga health authorities ang kampanya laban sa patuloy na pagtaas ng dengue cases sa lalawigan.

Iniutos ni Gov. Noel Rosal ang suspensyon upang bigyang-daan ang mga paaralan at lokal na pamahalaan na magsagawa ng cleanup drives at iba pang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng dengue.

Ayon sa datos hanggang Setyembre 10, umabot na sa 1,785 ang dengue cases sa Albay, kabilang ang 14 na nasawi mula Enero 1 hanggang Setyembre 8.

Mananatiling walang klase ang mga pampublikong elementarya at secondary schools nitong Lunes at Martes dahil sa nakatakdang wellness break. Susundan ito ng provincewide class suspension mula Miyerkules hanggang Biyernes, Setyembre 16 hanggang 18.

Samantala, suspendido rin ang klase sa mga pribadong elementarya at secondary schools sa Huwebes at Biyernes.

Maging ang mga kolehiyo at unibersidad ay magsususpinde ng face-to-face classes sa Huwebes at Biyernes at lilipat sa alternative learning modalities, matapos ang konsultasyon sa Commission on Higher Education.

Layunin ng suspensyon na bigyang-panahon ang paglilinis at sanitasyon ng mga paaralan at paligid, pagtukoy sa mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, at pagpapatupad ng iba pang dengue prevention measures.

Pinaigting din ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang disease surveillance, vector control, cleanup operations at information campaign. Nagpatupad naman ang provincial government ng dengue fast lane para mapabilis ang assessment at paggamot sa mga hinihinalang dengue patients.

Hinimok ni sanitation consultant Engr. William Sabater ang mga residente na isagawa araw-araw ang “4 o’clock habit” at linisin ang mga lalagyan ng tubig at alisin ang mga naipong tubig na maaaring pamugaran ng lamok. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here