Home HOME BANNER STORY Presyo ng petrolyo sa world market sumipa; panibagong taas-singil posible

Presyo ng petrolyo sa world market sumipa; panibagong taas-singil posible

1
0

MANILA, Philippines — Malaki ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa international market matapos lumala ang tensyon sa Middle East at pansamantalang isara ang East-West oil pipeline ng Saudi Arabia kasunod ng drone attacks.

Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), tumaas sa unang araw ng trading ngayong linggo ang indikasyon para sa diesel ng humigit-kumulang P9.40 kada litro, gasolina ng P4.40 kada litro, at kerosene ng P7.90 kada litro.

Hindi pa ito awtomatikong katumbas ng susunod na pump price adjustment sa Pilipinas dahil kailangan pang isaalang-alang ang galaw ng presyo sa buong trading period at iba pang market factors.

Lalong nabahala ang global oil market matapos maantala ang Saudi East-West pipeline, isang mahalagang alternatibong ruta sa Strait of Hormuz, na nahaharap din sa seryosong disruption. Umakyat din ang Brent crude sa mahigit $105 kada bariles nitong Martes.

Samantala, kinumpirma na ng Department of Energy na lumampas sa $80 kada bariles ang one-month average ng Dubai crude, na siyang threshold sa ilalim ng Republic Act No. 12316 para ikonsidera ang pansamantala o bahagyang suspensyon ng excise tax sa ilang produktong petrolyo.

Umabot sa $99.41 kada bariles ang 30-day average ng Dubai crude mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, ayon sa DOE certification na isinumite sa Development Budget Coordination Committee.

Ang DBCC at economic managers ang magpapasya kung irerekomenda sa Pangulo ang suspensyon o pagbabawas ng excise tax. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here