MANILA, Philippines — Walang nakitang 2013 exit Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte sa records ng Office of the Ombudsman, ayon sa testigo sa kanyang impeachment trial nitong Martes, Setyembre 15.
Sinabi ni Ombudsman Central Records Division officer-in-charge Atty. Karen Batu sa Senate Impeachment Court na kumpleto naman ang entry SALNs ni Duterte na nasa kanilang records, ngunit walang nakitang exit SALN para sa 2013.
“Nakita lang po namin is for the 2013, wala po siyang exit SALN. Pero as to the entry SALN po, kumpleto po,” ani Batu.
Lumabas ang usapin matapos tanungin ni Senator-Judge Sherwin Gatchalian kung kumpleto ang SALN filings ni Duterte.
Nang tanungin kung kinakailangang magsumite ng exit SALN si Duterte matapos matapos ang kanyang termino bilang Davao City mayor noong Hunyo 30, 2013, sumagot si Batu ng oo.
Gayunman, ang testimonya ay tumutukoy lamang sa mga dokumentong nasa records ng Ombudsman at hindi awtomatikong patunay na hindi nagsumite ng SALN si Duterte sa ibang pagkakataon o repository.
Bahagi ang testimonya ni Batu sa pagtalakay sa Article II ng impeachment case laban kay Duterte, na kinabibilangan ng mga alegasyon kaugnay ng kanyang SALNs, deklaradong yaman at business interests. RNT