Home NATIONWIDE ‘Kalimot’ ni Digong, iginiit ng depensa sa ICC

‘Kalimot’ ni Digong, iginiit ng depensa sa ICC

3
0

THE HAGUE, Netherlands — Iginiit ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na dumaranas umano ito ng “significant memory impairment” na nakaaapekto sa kakayahan niyang makibahagi sa paghahanda ng kanyang depensa.

Sa 13-pahinang submission na may petsang Setyembre 14, sinabi ng defense na nahihirapan umano si Duterte na panatilihin ang bagong impormasyon at ma-access nang maayos ang kanyang mga alaala.

Ayon kay lead defense counsel Peter Haynes, umaabot umano sa puntong paminsan-minsan ay hindi maalala ni Duterte ang pangalan ng kanyang abogado, kaya nahihirapan itong makapagbigay ng makabuluhang instruksyon sa kanyang legal team.

Gayunman, taliwas dito ang posisyon ng ICC prosecution.

Sa hiwalay na submission, sinabi ng prosekusyon na batay sa medical assessment ng panel of experts, kaya umano ni Duterte na makabuluhang gamitin ang kanyang procedural at fair trial rights at dapat siyang ideklarang fit to stand trial.

Nakatakdang magsagawa ang ICC Trial Chamber III ng status conference ngayong Setyembre 16 habang patuloy nitong tinatalakay ang fitness ni Duterte na humarap sa paglilitis.

Itinakda naman sa Nobyembre 30, 2026 ang pagsisimula ng kanyang trial kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa mga pagpatay sa ilalim ng kanyang anti-drug campaign.

Sa ilalim ng ICC rules, hindi maaaring magpatuloy ang paglilitis kung mapatutunayang hindi kayang unawain ng akusado ang proceedings o makabuluhang makilahok sa kanyang depensa. Ang Trial Chamber III ang magpapasya kung fit o unfit si Duterte na humarap sa trial. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here