MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Rey Joseph “RJ” Nieto, na kilala sa social media bilang Thinking Pinoy, bilang assistant secretary ng Office of the Cabinet Secretary.
Nakasaad sa appointment document na maaari nang mag-qualify at gampanan ni Nieto ang tungkulin matapos makumpleto ang kinakailangang proseso, kabilang ang panunumpa sa puwesto.
Kinumpirma rin ni Nieto ang kanyang appointment sa isang Facebook post ngunit sinabi niyang hindi pa siya nanunumpa at may ilan pang formalidad na kailangang tapusin bago siya pormal na magsimula sa trabaho.
Sinabi ni Nieto na kabilang sa trabaho ng Office of the Cabinet Secretary ang pagsubaybay kung naipatutupad nang maayos ang mga programa ng gobyerno at kung nakararating sa publiko ang mga serbisyo.
Ang naturang tanggapan ay pinamumunuan ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na itinalaga ni Marcos noong Hulyo.
Bago ang kanyang appointment, nakilala si Nieto sa kanyang political commentary sa social media sa ilalim ng pangalang Thinking Pinoy. RNT