MANILA, Philippines — Pumanaw si Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua noong Martes ng gabi, Setyembre 15. Siya ay 48 taong gulang.
Hindi pa opisyal na inilalabas ng pamilya ni Cua at ng pamahalaang panlalawigan ang sanhi at iba pang detalye ng kanyang pagpanaw.
Mahigit dalawang dekada sa serbisyo publiko si Cua. Una siyang nahalal bilang vice governor ng Quirino noong 2001, naging gobernador mula 2007 hanggang 2010, nagsilbing kinatawan ng lone district ng lalawigan mula 2010 hanggang 2019, at muling naging gobernador noong 2019.
Bago ang kanyang pagpanaw, nagsisilbi rin si Cua bilang pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), national chairman ng League of Provinces of the Philippines at pangulo ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific.
Sa ilalim ng Section 44 ng Local Government Code, awtomatikong hahalili sa gobernador si Quirino Vice Governor Julius Caesar “Jojo” Vaquilar dahil sa permanenteng pagkabakante ng posisyon. Ang pinakamataas na ranggong miyembro naman ng Sangguniang Panlalawigan ang hahalili bilang vice governor. RNT