BONTOC, Mountain Province — Anim katao, kabilang ang isang sanggol, ang nasawi habang 17 iba pa ang nasugatan matapos mahulog sa tinatayang 50 hanggang 100 metrong bangin ang sinasakyan nilang truck sa Sitio Jakap, Barangay Talubin, Bontoc nitong Martes, Setyembre 15.
Ayon sa Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang sa mga nasawi sina Theresa Walitan at limang-buwang gulang na si Rex Walitan, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng apat na iba pang biktima.
Dinala naman sa Bontoc General Hospital ang 17 sugatan para sa agarang gamutan.
Batay sa paunang impormasyon, nasa 27 pasahero ang sakay ng truck na mula Isabela at patungong Bakun, Benguet nang mahulog ito sa bangin dakong alas-12:40 ng tanghali.
Patuloy ang rescue at recovery operations sa lugar habang kinukumpirma pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lahat ng biktima at sanhi ng aksidente. Rey Velasco