CEBU CITY — Ilang online threat na natanggap ng mga paaralan sa Cebu ay kagagawan umano ng mga estudyanteng nais maiwasan ang pagsusulit o assignment, ayon sa Cebu Provincial Police Office (CPPO).
Sinabi ni CPPO chief Col. Abubakar Udang Mangelen Jr. na lumitaw sa kanilang imbestigasyon na ilan sa mga pagbabanta ay ipinadala bago ang major examinations, umano’y upang masuspinde ang klase.
“This is becoming a sort of modus operandi among our students,” ani Mangelen sa pagdinig ng Cebu Provincial Board.
Mula Hulyo, 19 na kaso ng school threats ang inimbestigahan ng CPPO at 13 dito ang itinuturing nilang solved matapos matukoy ang mga estudyanteng sangkot.
Dahil menor de edad ang ilan sa mga sangkot, ini-refer sila sa Municipal Social Welfare and Development Offices para sa kaukulang intervention.
Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang seguridad sa mga paaralan sa gitna ng serye ng online threats sa lalawigan. Mary Anne Sapico