MANILA, Philippines – Isang 37-anyos na lalaki ang inaresto makaraan umanong maaktuhan nagtatapon ng tubig mula sa septic tank sa gilid ng Daang Hari Road sa Barangay Molino IV, Bacoor City, Cavite.
Sa report ng pulisya, kinilala ang naaresto na si alyas na “Darel”, 37, binata, residente ng Barangay Pasong Buaya II, Imus City, Cavite.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa ng monitoring operation ang isang environmental enforcer sa kahabaan ng Daang Hari Road dahil sa tumataas na bilang ng mga insidente ng hindi wastong pagtatapon ng wastewater mula sa mga septic tank.
Habang nagsasagawa ng roving inspection dakong 9:50 ng umaga, personal umano nitong namataan si Darel na naglalabas at nagtatapon ng tubig mula sa septic tank sa tapat ng isang gasolinahan sa Barangay Molino IV ng nasabing lungsod.
Kaagad dinala ang suspek sa Bacoor Component City Police Station na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act), Republic Act 9275 (Philippine Clean Water Act), at Republic Act 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act). MARGIE BAUTISTA