MANILA, Philippines — Binalaan ng kampo ni Vice President Sara Duterte na maaaring magamit ng administrasyon laban sa mga senador ang pagpapababa sa kinakailangang bilang ng boto para sa conviction sa impeachment trial.
Ayon kay Office of the Vice President spokesperson Paolo Panelo, kung maaaring baguhin ang kasalukuyang 16-vote threshold, posibleng maapektuhan umano ang resulta ng impeachment proceedings sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso o iba pang hakbang laban sa mga senator-judge na inaasahang boboto kontra sa kagustuhan ng administrasyon.
“Kapag ang denominator o ang 16 ay pwedeng babaan, iniimbitahan mo ang nasa poder, yung gobyerno natin, na targetin ang mga senador na aasahan nila na hindi boboto ng pabor sa gusto nila,” ani Panelo.
Iginiit din niyang maaaring makontrol umano ng mga nasa kapangyarihan ang resulta ng botohan kung mababago ang bilang ng mga senador na isasama sa pagkuwenta ng two-thirds requirement.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kailangan ang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang ma-convict ang isang impeachable official.
Nauna nang itinakda ng Senate impeachment court na 16 na boto ang kailangan para sa conviction, ngunit muling binuksan ang usapin matapos kuwestiyunin kung dapat isama sa computation ang mga senator-judge na hindi nakadadalo o hindi makalahok sa paglilitis.
Nagbigay nitong Miyerkules ng kani-kanilang pananaw sa isyu ang mga inimbitahang amici curiae na sina dating Chief Justices Reynato Puno, Hilario Davide Jr. at Artemio Panganiban, at dating Associate Justice Adolfo Azcuna.
Nagkakaiba ang kanilang interpretasyon kung maaaring magbago ang basehan ng two-thirds vote kapag may mga senador na hindi makaganap bilang senator-judge. RNT