MANILA, Philippines — Inatasan ng Korte Suprema ang Kongreso na tuparin ang mandato ng 1987 Constitution at magpasa na ng batas na nagbabawal sa political dynasties matapos ang 39 taong kawalan ng enabling law.
Sa desisyong inilabas nitong Miyerkules, Setyembre 16, sinabi ng Supreme Court en banc na grave abuse of discretion ang matagal na kabiguan ng Kongreso na magpatupad ng batas alinsunod sa Article II, Section 26 ng Konstitusyon.
“The Congress of the Philippines must henceforth, and with utmost urgency, enact the appropriate anti-political dynasty law at the earliest opportunity,” ayon sa Korte.
Nakasaad sa naturang probisyon na dapat tiyakin ng Estado ang pantay na pagkakataon sa public service at ipagbawal ang political dynasties “as may be defined by law.”
Nilinaw ng SC na ang pariralang ito ay nagbibigay sa Kongreso ng kapangyarihang tukuyin kung ano ang maituturing na political dynasty at saklaw ng pagbabawal, ngunit hindi nito binibigyan ang mga mambabatas ng opsyong huwag magpasa ng batas.
Sinabi rin ng Korte na bagama’t walang itinakdang deadline ang Konstitusyon, hindi maaaring ipagpaliban nang walang hanggan ng Kongreso ang nasabing tungkulin.
Nauna nang umusad sa Kamara ang panukalang Anti-Political Dynasty Act, habang nananatiling hinihintay ang kaukulang aksyon sa Senado. RNT