COTABATO CITY — Tinanggap ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) president Ahod Balawag Ebrahim ang pagkakaproklama sa kanya bilang isa sa mga nanalo sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE).
Ipinroklama si Ebrahim, kilala rin bilang Al Haj Murad, bilang No. 1 nominee ng UBJP nitong Martes ng gabi, Setyembre 15. Nakakuha ang UBJP ng 15 puwesto sa Bangsamoro Parliament, ayon sa Commission on Elections.
Sinabi ni Ebrahim na ang resulta ng halalan ay panibagong yugto sa pagsusulong ng mga adhikain ng Bangsamoro sa pamamagitan ng mapayapa at demokratikong proseso.
“The electoral process represents not an end to the struggle, but a new chapter,” bahagi ng kanyang pahayag.
Umaasa rin siyang magbubunga ang unang BPE ng nagkakaisang liderato na magtataguyod ng kapayapaan at kapakanan ng mga mamamayan sa Bangsamoro.
Bukod sa 15 party seats, nagtagumpay din ang mga kandidato ng UBJP sa ilang sectoral representative posts para sa youth, women, Ulama, traditional leaders at settler communities.
Nakakuha ang Bangsamoro Federal Party ng 16 party seats, habang 15 ang nakuha ng UBJP sa makasaysayang halalan noong Setyembre 14.
Samantala, pormal na tinanggap ng Bangsamoro Party (BaPa), na pinamumunuan ni MNLF chairman Muslimin Sema, ang resulta ng halalan.
Nakakuha ang BaPa ng 35,671 boto o 1.9% ng kabuuang party votes.
“BaPa fairly and honorably concedes the results of the first parliamentary elections in BARMM,” ayon kay Sema.
Tiniyak din niya na patuloy na makikipagtulungan ang MNLF at BaPa sa bagong Bangsamoro Parliament para sa kapayapaan, seguridad at katatagan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Mary Anne Sapico