MANILA, Philippines — Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang karapatan ang China na hilinging alisin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
“They have no right to say that,” ani Teodoro sa isang press briefing nitong Miyerkules, Setyembre 16.
Ginawa niya ang pahayag matapos muling manawagan ang China na alisin ang BRP Sierra Madre at akusahan ang Pilipinas na nagsasagawa umano ng malakihang pagkukumpuni at pagpapatibay sa barko upang gawing permanente ang presensya nito sa shoal.
Ayon kay Teodoro, dapat ipagpatuloy ng Pilipinas ang paggamit ng mga karapatan nito sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at iba pang umiiral na international law.
Nauna nang itinanggi ng Department of Foreign Affairs ang pahayag ng China na nangako umano ang Pilipinas na aalisin ang BRP Sierra Madre.
Sinabi ng DFA na walang kasunduan sa pagitan ng Manila at Beijing na nag-oobliga sa Pilipinas na i-tow o alisin ang barko sa Ayungin Shoal.
Ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas, ayon sa DFA. Dave Medina