MANILA, Philippines – Ipinauubaya ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police – Criminal Investigation Detection Group (PNP-CIDG) kung dadagdagan pa ang respondents sa reklamong obstruction of Justice laban kay Senator Robin Padilla at iba pa.
Ayon kay Justice Undersecretary Ian Norman Dato sa regular press briefing, ilang beses nang nagpulong ang PNP-CIDG at DOJ alinsunod sa Department Circular No. 20 na nagbibigay ng pagkakataon sa law enforcement agencies na buuin at palakasin ang kanilang kaso.
Ginawa ng DOJ ang pahayag kasunod ng tanong kung bakit hindi kabilang sina Senador Alan Peter Cayetano at dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa reklamong obstruction of justice na isinampa sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa DOJ, ang mga pangalan lamang na nasa inisyung subpoena ang rekomendasyon ng PNP-CIDG sa ngayon.
Kaugnay ito sa umano’y pagtulong nila sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa mula sa warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
“At this point they have come up with the recommendation that only involve those respondents named, so whatever steps that the PNP-CIDG would come up next will be up to the law enforcement agency on the basis of any investigation that they are still holding, if any,” sabi ni Usec. Dato.
Sa ngayon, wala ring rekomendasyon ang DOJ na isailalim sina Padilla sa Immigration Lookout Bulletin Order para mamonitor ang kanilang biyahe sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden