MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno , simula ala-1 ng tanghali sa Setyembre 28, araw ng Lunes, upang bigyan ng pagkakataon ang mga empleyado ng gobyerno at kanilang pamilya na ipagdiwang ang 34th National Family Week.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 136, ang trabaho sa lahat ng ahensiya ng gobyerno at instrumentalities sa ilalim ng Executive branch, kabilang na ang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs), ay paiikliin.
Inilabas ang circular alinsunod sa Proclamation No. 60, serye ng 1992, na nagdedeklara sa huling linggo ng Setyembre ng bawat taon bilang Family Week, at Proclamation No. 326, serye ng 2012, nagdedeklara sa ikaapat na Lunes ng Setyembre ng bawat taon bilang “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.
Gayunman, ang mga ahensiya ng gobyerno na ang tungkulin ay may kinalaman sa paghahatid ng mga pangunahin at serbisyong pangkalusugan, disaster at calamity preparedness at pagtugon at iba pang mahalagang serbisyo ay magpapatuloy ang operasyon at pagbibigay ng kinakailangang serbisyo.
“Government workers in the Executive branch are encouraged to fully support the programs and activities relative to the observance of 34 National Family Week, as organized by the National Committee on the Filipino Family,” ang mababasa sa MC.
Gayundin, hinikayat naman ng Malakanyang ang iba pang sangay ng gobyerno, independent commissions at lupon, at maging ang pribadong sektor, na suspendihin ang trabaho upang bigyan ang pamilyang filipino ng oportunidad na magpartisipa sa pagdiriwang.
Ang MC, nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto, sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Miyerkules, Setyembre 16, 2026, ay kagyat na magiging epektibo. KRIS JOSE