Home HOME BANNER STORY Pilipinas nababahala sa ‘E1 settlement plan’ ng Israel sa West Bank

Pilipinas nababahala sa ‘E1 settlement plan’ ng Israel sa West Bank

1
0

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang Pilipinas sa pagsusulong ng Israel sa E1 settlement plan sa West Bank, na ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ay maaaring sumalungat sa international law at makasagabal sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa sigalot sa Middle East.

Sinabi ng DFA nitong Huwebes, Setyembre 17, na ikinababahala rin nito ang patuloy na pagtaas ng karahasan na kinasasangkutan ng mga Israeli settler sa West Bank.

Hinimok ng ahensya ang lahat ng panig na umiwas sa mga unilateral action na maaaring makasira sa mga kondisyon para sa kapayapaan at sa posibilidad ng pagtatatag ng isang Palestinian state.

Iginiit din ng DFA na patuloy na kinikilala ng Pilipinas ang mga pangunahing karapatan ng mga Palestinian, partikular ang karapatan sa self-determination.

Noong Agosto, naglabas ang Israel ng construction tenders para sa mahigit 1,200 housing units sa E1 area sa silangan ng Jerusalem. Ilang bansa kabilang ang United Kingdom, France, Germany, Canada at Australia ang tumutol sa proyekto at nagbabala na maaari nitong higit na hatiin ang West Bank at pahinain ang posibilidad ng two-state solution.

Ayon sa kanilang joint statement, itinuturing nilang labag sa international law ang Israeli settlements sa West Bank, posisyong sinabi nilang muling pinagtibay ng United Nations Security Council. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here