MANILA, Philippines — Ilalagay sa full alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) simula Setyembre 19 bilang paghahanda sa mga kilos-protesta sa Metro Manila sa Setyembre 21, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Mahigit 15,700 police personnel ang ikakalat sa rehiyon, habang nakatakda ang full deployment pagsapit ng alas-5 ng hapon sa Sabado.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co na hindi magdadala ng baril ang mga security personnel na nakatalaga sa operasyon at gagamit sila ng body-worn cameras.
Inatasan din umano ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance sa mga demonstrador.
Ayon sa PNP, wala pa silang namomonitor na partikular na banta sa seguridad kaugnay ng mga protesta ngunit patuloy ang kanilang monitoring at paghahanda ng contingency measures.
Sinabi naman ni NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga lider ng mga grupong lalahok sa mga pagkilos upang mapanatili ang kaayusan.
Kasabay nito, sinabi ng PNP na kinikilala nito ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon at paghahayag habang nananawagan sa mga kalahok na iwasan ang anumang komprontasyon o paglabag sa karapatan ng iba. Santi Celario