MANILA, Philippines — Walang planong magbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kabila ng panawagan ng kampo ni Vice President Sara Duterte na bumaba siya sa Malacañang, ayon sa Palasyo nitong Biyernes.
“Unang-una, walang magre-resign,” ani Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang panayam.
Ayon kay Castro, patuloy na ginagampanan ni Marcos ang kanyang tungkulin bilang Pangulo at nagtatrabaho para sa bansa.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Duterte na handa ang Bise Presidente na pumalit sakaling magbitiw si Marcos.
Tinutulan din ni Castro ang alegasyon ng kampo ni Duterte na kontrolado umano ng Malacañang ang ilang senador, opisyal ng pulisya at iba pang personalidad ng gobyerno kaugnay ng impeachment case ng Bise Presidente.
Ayon sa Palace official, ginagawa lamang ng mga ahensya ng gobyerno ang kani-kanilang mandato at dapat umanong sagutin ni Duterte ang mga isyung nakapaloob sa mga reklamong kinakaharap niya sa halip na magparatang ng political persecution.
Samantala, tumanggi si Castro na magbigay ng detalye hinggil sa posibleng legal operations laban kina dating presidential spokesperson Harry Roque, dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at Sen. Loren Legarda.
Aniya, maaaring makompromiso ang operasyon kung isasapubliko nang maaga ang mga hakbang ng mga awtoridad. RNT