MANILA, Philippines — Nanawagan ang Malacañang sa mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta sa Setyembre 21 na panatilihing mapayapa ang kanilang pagkilos at umiwas sa karahasan.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Biyernes na hindi hahadlangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng publiko sa peaceful assembly at freedom of expression. Nauna na ring iginiit ng Palasyo na kinikilala ng administrasyon ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang hinaing.
“Ang nais lang po sana natin, ang ating dasal ay huwag maging marahas,” ani Castro sa panayam ng GMA News’ Unang Balita.
Ayon sa Palace official, naghahanda na rin ang Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police para sa mga kilos-protesta.
Nauna nang inanunsyo ng NCRPO ang full alert status at paglalatag ng security personnel sa Metro Manila para sa mga pagtitipon sa Setyembre 21. Sinabi rin ng pulisya na paiiralin ang maximum tolerance at susundin ang operational procedures at human rights standards sa paghawak sa mga demonstrasyon.
Gaganapin ang mga protesta kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 1972. RNT