Home NATIONWIDE Pagbagsak ng Chinese rocket debris, ibinabala sa Palawan, Tubbataha — PhilSA

Pagbagsak ng Chinese rocket debris, ibinabala sa Palawan, Tubbataha — PhilSA

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng bumagsak sa bahagi ng Philippine archipelagic waters malapit sa Palawan at Tubbataha Reefs Natural Park ang debris mula sa Long March-12 rocket na inilunsad ng China nitong Huwebes, Setyembre 17.

Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) na inilunsad ang Long March-12 mula Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, China dakong alas-8:32 ng umaga.

Ayon sa ahensya, tinatayang bumagsak ang debris nito sa drop zone na nasa 25 nautical miles mula Puerto Princesa, Palawan at 19 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.

Hindi inaasahang tatama ang mga debris sa kalupaan o mataong lugar ngunit nagbabala ang PhilSA na maaari itong magdulot ng panganib sa mga barko, eroplano, fishing boats at iba pang sasakyang dadaan sa itinakdang drop zone.

Posible rin umanong lumutang ang ilang bahagi ng rocket at matangay patungo sa mga kalapit na baybayin.

Hindi rin inaalis ng PhilSA ang posibilidad ng uncontrolled re-entry sa atmosphere ng upper stages ng rocket mula sa outer space.

Pinayuhan ng ahensya ang publiko na agad i-report sa mga lokal na awtoridad ang anumang kahina-hinalang debris na makikita at huwag itong hawakan o lapitan dahil maaaring may natitirang nakalalasong substance gaya ng rocket fuel. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here