Home NATIONWIDE Pamamaril sa paaralan, ‘di dapat maging normal na bahagi ng buhay ng...

Pamamaril sa paaralan, ‘di dapat maging normal na bahagi ng buhay ng mga batang Pilipino – PBBM

3
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ng mas mahigpit na mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga paaralan, kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat maging normal na bahagi ng buhay ng mga batang Pilipino ang karahasan at pamamaril sa loob ng paaralan.

“Hindi natin maaaring tanggapin na maging bahagi na lamang ng buhay ng ating mga anak ang mga pamamaril sa paaralan. Karapatan ng ating mga anak na makapag-aral nang walang takot. Karapatan ng mga magulang na maipadala sila sa paaralan nang alam na uuwi silang ligtas. Ito ang pananagutan natin sa bawat pamilyang Pilipino,”diin ng Pangulo.

Sa harap nito, iniutos ni Pangulong Marcos ang isang masusing imbestigasyon sa insidente, kabilang ang mga pangyayari kung paano nakakuha at nakapagdala ng baril ang isang menor de edad sa loob ng paaralan.

Nagpaabot din ang Pangulo ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at tiniyak na matatanggap ng mga nasugatan ang kinakailangang gamutan at tulong.

“Muli tayong nahaharap sa isang trahedyang hindi dapat danasin ng sinumang magulang, paaralan, o komunidad. Nakikiramay ako sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato. Tinitiyak nating natatanggap ng mga nasugatan ang kailangan nilang gamutan at tulong,” paniniguro ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, ito na ang ikatlong insidente ng nakamamatay na pamamaril sa paaralan sa loob lamang ng nakalipas na tatlong buwan, kasunod ng mga naunang insidente sa Tacloban at Zamboanga.

Kaugnay nito, inutusan ni Pangulong Marcos ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP) na magsumite ng ulat tungkol sa mga hakbang na kanilang ipinatupad matapos ang mga naunang insidente.

“Ito na ang ikatlong nakamamatay na pamamaril sa paaralan sa loob lamang ng tatlong buwan. Matapos ang mga insidente sa Tacloban at Zamboanga, inutusan ko na ang ating mga ahensya na palakasin ang seguridad sa mga paaralan at gawin ang lahat ng kinakailangan upang maiwasan ang muling paglitaw ng ganitong trahedya,”diin ng Pangulo.

Sinabi rin ng Pangulo na mag-aanunsyo ng karagdagang mga hakbang sa mga susunod na araw upang tugunan ang mga natitirang kakulangan at higit pang maprotektahan ang mga mag-aaral sa buong bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here