Home NATIONWIDE Pagmonitor sa emergency drills ng mga barko, hinigpitan ng MARINA

Pagmonitor sa emergency drills ng mga barko, hinigpitan ng MARINA

3
0

MANILA, Philippines – Hinigpitan ng Maritime Industry Authority (Marina) ang monitoring sa emergency drills ng mga domestic vessel upang matiyak na handa ang mga crew sa oras ng sakuna.

Kasunod ito ng imbestigasyon sa sunog sa MV June Aster sa Coron, Palawan noong Setyembre 9 na ikinasawi ng 77 katao. Labindalawa pa ang nawawala habang 43 ang nakaligtas at ginamot sa mga pinsala.

Ayon kay Marina Administrator Sonia Malaluan, susuriin sa drills ang kahandaan ng crew, tamang pagpapatupad ng emergency procedures at paggamit ng safety equipment.

“Ang kahandaan ay kailangang nasusubok bago pa man dumating ang oras ng kagipitan. Kaya regular nating isinasagawa ang emergency drills at readiness evaluations para matiyak na alam ng crew ang kanilang gagawin at kaya nilang kumilos nang mabilis at tama,” ani Malaluan.

Nakabatay ang mas mahigpit na pagbabantay sa Marina Advisory 2026-04 na inilabas noong Pebrero para masuri ang aktuwal na kahandaan ng mga barko at crew sa pagtugon sa panganib.

Iniutos din ng Marina ang masinsinang fire safety inspection sa mga passenger roll-on/roll-off vessel at fast craft ng Atienza Interisland Ferries Inc., operator ng MV June Aster.

Kabilang sa iinspeksyunin ang MV Star San Carlos at MV October Lavender. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here