Home METRO Comelec may lead na sa pre-shaded na balota sa Basilan

Comelec may lead na sa pre-shaded na balota sa Basilan

1
0

MANILA, Philippines – May lead na ang Commission on Elections (Comelec) sa mga nasa likod ng pre-shaded ballots na natuklasan sa Maluso, Basilan, bago pa man mapasailalim sa direktang kontrol ng poll body ang naturang bayan.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, tututukan ng imbestigasyon ang chain of custody ng mga balota upang matukoy kung sino ang humawak, naglipat at legal na may possession sa mga ito.

“Ay, opo naman. Napakadali naman pong alamin. Sabi ko nga po sa inyo… always follow the money,” ani Garcia.

Sinabi ni Garcia na 36 na kahon ng pre-shaded ballots ang nasa kustodiya na ngayon ng Comelec Law Department. Magpapadala rin ito ng formal notices sa ilang indibidwal upang humingi ng paliwanag bilang bahagi ng imbestigasyon.

Giit ni Garcia, hindi posibleng isang tao lamang ang nag-tamper sa 16,500 balota dahil nangangailangan ito ng isang grupo at lugar kung saan isinagawa ang operasyon.

“Hindi po puwedeng isang tao lang ang nag-tamper at nag-pre-shade ng 16,500 ballots. ‘Yan po ay isang grupo—marami po ‘yan,” ani Garcia.

Sinabi rin niyang may mga insidenteng nakita bago ang halalan na maaaring may kaugnayan sa paghahanda ng mga pre-shaded ballots. Kabilang dito ang umano’y hindi pagpapapasok sa Comelec at PNP officials sa isang lugar isang araw bago ang botohan.

“So binibigyan ko na kayo ng idea na ibig sabihin, alam namin lahat ng nangyari kaya ‘wag na ‘wag silang basta-basta magsisinungaling dahil bago pa namin dinala ang mga andito at bago namin idineklara under Comelec control ‘yung area ay alam na namin ang mga nangyari,” ani Garcia.

Mayroon ding mga larawan at video na kumalat online na maaaring makatulong sa imbestigasyon. Sa 86 na precincts sa Maluso, 36 ang naapektuhan ng pre-shaded ballots, dahilan upang mag-imprenta at maghatid ng mga kapalit na balota.

Dahil dito, pinalawig ng Comelec ang botohan sa Maluso hanggang Martes, Setyembre 15. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here