Home NATIONWIDE Pahayag ni VP Sara na kontrolado ni PBBM Senado, mga korte, pulisya...

Pahayag ni VP Sara na kontrolado ni PBBM Senado, mga korte, pulisya pinabulaanan ng Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Pinalagan ng Malakanyang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na kontrolado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga senador, ang korte at ang kapulisan.

Para kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinsira ni VP Sara ang government institutions sa gitna ng kasong legal na kinahaharap nito.

Sa isang video message, sinabi ni Castro na ang alegasyon ni VP Sara ay walang basehan.

Inakusahan ni Castro si VP Sara nang paglalaan ng oras sa pag-atake sa mga institusyon sa halip na magtrabaho at tugunan ang mga problemang kinahaharap ng mga filipino.

“Ang paninirang ito ay walang basehan — kundi galing lang sa madumi at maitim na isipan ni Bise Presidente Sara Duterte,” ang winika ni Castro.

Binigyang diin ni Castro na tumutupad lang ang mga ahensiya ng gob­yerno sa kanilang mga mandato at kailangang tugunan ni VP Sara ang mga isyu at reklamo na ibinabato sa kanya sa halip na akusahan ang gobyerno ng persecution.

Hinamon naman ni Castro si VP Sara sa pagkabigo nitong makapag-ambag sa pagsisikap na tugunan ang pagbaha, mataas na presyo at iba pang problema na hinaharap ng mga filipino, sa halip na ituon ang pansin sa pag-atake sa mga ahensiya ng gobyerno.

“Imbes na magtrabaho ang Bise Presidente para sa ikagiginhawa ng taumbayan, nauubos ang oras niya sa mga ganitong klase ng paninira sa mga ahensya ng pamahalaan, pati na sa Senado, sa Korte, at sa kapulisan,” anito.

Kinuwestiyon naman ni Castro ang sinabi ni VP Sara na handa na itong maging Pangulo ng bansa.

“Handa na raw siyang maging Pangulo — o handa na siyang maging panggulo,” aniya pa rin.

Para kay Castro isang desperadong galawan ang naging pag-atake ni VP Sara sa integridad ng mga government authorities at ilarawan ang sarili bilang inuusig, habang iginiit ang mga reklamo laban sa kanya ay walang basehan.

“Isa itong desperadong galawan ng Bise Presidente para sirain ang integridad ng mga otoridad at ipalabas na siya ang api at ginigipit, samantalang ang lahat ng usapin ay kagagawan niya mismo,” aniya pa rin.

Samantala, walang plano si Pangulong Marcos na magbitiw sa kanyang puwesto.

Ayon kay Castro, patuloy ginagampanan ni Pangulong Marcos ang kanyang tungkulin at nagtatrabaho para sa bansa at mga filipino.

Sinabi pa ni Castro na “wish” lang nila yun dahil tumutupad ang pangulo sa kanyang tungkulin at nagtatrabaho para sa bayan, sa bansa at sa taumbayan.

“So kung wish nila na magre-resign ang Pa­ngulo, I’m sorry,” giit pa ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here