CAVITE, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos umanong magbenta ng baril sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Sinbanali, Bacoor City.
Isinagawa ng Intelligence Section ng Bacoor Component City Police Station ang operasyon dakong alas-2 ng hapon laban sa suspek na umano’y sangkot sa pagbebenta ng baril.
Nakumpiska sa suspek ang isang caliber .38 revolver na walang serial number, tatlong bala, ₱1,000 buy-bust money, limang pirasong ₱1,000 boodle money at isang sling bag.
Nakuha rin mula sa kanya ang apat na sachet ng hinihinalang marijuana na tumitimbang ng 5.60 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱672.
Isasailalim sa verification ng Firearms and Explosives Office ang baril at mga bala, habang susuriin naman ng Cavite Police Forensic Unit ang hinihinalang marijuana.
Batay sa PNP Criminal Information Reporting and Analysis System, dati nang naaresto ang suspek sa iba’t ibang kaso, kabilang ang robbery, paglabag sa R.A. 7610, Article 151 ng Revised Penal Code, B.P. Blg. 6, qualified trespass to dwelling at R.A. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.
Dinala ang suspek at mga ebidensya sa Bacoor CCPS para sa pagsasampa ng kaso sa paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Section 11 ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. MARGIE BAUTISTA