Home NATIONWIDE Serbisyo Caravan ng OWWA, umarangkada; 20 gov’t agencies nagtipon sa Bulacan

Serbisyo Caravan ng OWWA, umarangkada; 20 gov’t agencies nagtipon sa Bulacan

1
0
Oplus_16908288

MANILA, Philippines – Hindi na kailangang magpabalik-balik sa iba’t ibang tanggapan ang mga Overseas Filipino Worker sa Bulacan para kumpletuhin ang kanilang requirements matapos magtipon-tipon sa iisang bubong ang mahigit 20 ahensya ng gobyerno nitong Biyernes, Setyembre 18, para sa kauna-unahang OWWA Serbisyo Caravan sa Region 3 na pinangunahan ni Senador Joel Villanueva.

Sa kanyang talumpati, ibinalik ni Villanueva ang hirap na dinaranas ng maraming OFW, lalo na iyong mga galing sa labas ng Metro Manila na kailangang magpalipat-lipat sa iba’t ibang gusali at lokasyon para lamang ma-clear ang kanilang mga dokumento sa mga ahensya ng gobyerno.

Sa kabila ng pagsisikap na pasimplehin ang proseso, dumating ang malaking reporma noong 2021 nang maisabatas ang pagtatatag ng Department of Migrant Workers, na itinaguyod ni Villanueva sa Senado.

“Noon, ang mga OFWs dito sa Pilipinas, pagdating sa Maynila, turo dito at doon para magpunta sa tanggapan ng gobyerno para makumpleto ang mga requirements nila,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee, sa harap ng daan-daang OFW at kanilang pamilya na dumalo sa caravan sa San Jose del Monte Sports Complex nitong Biyernes ng umaga.

“Ngayon, ang gobyerno na po mismo ang lumalapit sa ating mga mamamayan. Hindi na po mahihirapan ang ating mga OFWs para kumpletuhin ang kanilang mga requirements. Ito po ang isa sa mga programang isinulong natin sa Senado, at siyang ipinapatupad na ng ating mga katuwang sa OWWA,” dagdag pa niya.

Dumalo si Villanueva sa caravan kung saan maaaring magparehistro o mag-renew ng OWWA membership ang mga OFW at kanilang pamilya, mag-apply para sa welfare assistance at social benefits, at mag-access ng livelihood, education, at reintegration programs, kabilang ang Balik Pinas! Balik Hanapbuhay at Tulong PUSO, kasama ang mga ahensya tulad ng Department of Trade and Industry, Social Security System, at DMW na nasa lugar mismo.

Kasama ni Villanueva sa caravan sina OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, San Jose del Monte Mayor Rida Robes at Congressman Arthur Robes.

Pinasalamatan ni Caunan si Villanueva sa pangunguna sa mga repormang lehislatibo para sa labor sector, partikular ang charter ng DMW noong 18th Congress na nagbigay-daan sa mas pinasimpleng proseso at polisiya para sa mga OFW.

“Napakarami na po niyang ipinaabot na tulong para sa ating mga OFWs, at isa sa pinakamalaking tulong ang isinulong niyang batas sa Senado ang pagtatag ng Department of Migrant Workers,” ani Caunan.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here