MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala ang mga kongresista sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato at nanawagan ng mas mahigpit na hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, hindi isolated incident ang naturang pamamaril dahil may iba pang insidente ng karahasan sa loob o paligid ng mga paaralan nitong mga nakaraang buwan.
“This is deeply concerning and distressing because it is not an isolated incident. Sa nakalipas na mga buwan, may iba pang pamamaril na naganap sa loob o paligid ng mga paaralan na kinasangkutan ng mga estudyante. Isa itong seryosong suliranin na kailangan nating tugunan kaagad.”
Hinimok din ni Dy ang publiko na huwag magpakalat ng sensitibo o graphic na larawan at video, gayundin ng mga hindi beripikadong impormasyon o paratang tungkol sa insidente.
Kasama si Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, naghain si Dy ng House Bill No. 11387, o Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act, na naglalayong higpitan ang pagmamay-ari, pag-iingat at paggamit ng baril at pigilan ang access dito ng mga kabataan at hindi awtorisadong tao.
“This latest tragedy reinforces our resolve to build safer and more caring schools for every Filipino child. Bilang isa sa ating mga agarang hakbang, naghain kami ni Majority Leader Ferdinand Alexander ‘Sandro’ Marcos ng House Bill No. 11387 upang palakasin ang ating mga batas at safeguards sa pagmamay-ari, pag-iingat, at paggamit ng baril,” dagdag ni Dy.
Samantala, nanawagan si Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal na ipasa na ang House Bill No. 10543, o National Safe Schools Framework o Safe Schools and Violence Prevention Act of 2026, na inihain noong Agosto.
“Ang sabi ko nun, wag na tayo maghintay pa na mangyari ang isa pang trahedya bago tayo kumilos para gawing ligtas ang ating mga anak sa kanilang paaralan. Ilang buhay pa ba ang dapat mawala bago natin maisip na gawing prayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral?” ani Nazal. Meliza Maluntag