Home NATIONWIDE Mga OFW hinikayat ng DA, ikonsidera agribusiness sa pagbalik ng bansa

Mga OFW hinikayat ng DA, ikonsidera agribusiness sa pagbalik ng bansa

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang agribusiness bilang isang potensyal na oportunidad sa pamumuhunan at kabuhayan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naghahandang umuwi sa Pilipinas, habang ipinakikilala sa kanila ang mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka na maaaring gamitin sa mga negosyong pang-agrikultura sa bansa.

Sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS), nagsagawa ang DA ng Usapang Agribiz forum noong Setyembre 13 sa Alagang OWWA Serbisyo Caravan sa Marronnier Park sa Seoul, na sinundan ng pagbisita sa mga teknolohiyang pangsakahan sa Wanju County noong Setyembre 14.

Pinangunahan ang aktibidad nina DA Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing, and Consumer Affairs Genevieve E. Velicaria-Guevarra at OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, at binigyang-diin dito ang agrikultura bilang posibleng ikalawang karera at oportunidad sa pamumuhunan para sa mga OFW.

Sinabi ng Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., nais ng pamahalaan na makita ng mga OFW na nagbabalak nang umuwi ang agrikultura hindi lamang bilang oportunidad sa negosyo kundi bilang paraan upang makatulong sa suplay ng pagkain ng bansa.

“Nais naming makita ng ating mga OFW na naghahanda nang umuwi na ang agrikultura ay hindi lamang isang negosyong maaari nilang itayo, kundi isang oportunidad na makatulong sa food security at nation building,” ani Tiu Laurel.

Ipinakilala sa forum ang mga programa ng pamahalaan para sa financing, training, market linkage at iba pang uri ng suporta.

“Ang agrikultura ay hindi lamang mahalaga sa ating seguridad sa pagkain at nutrisyon; nagbibigay rin ito ng mga oportunidad para sa entrepreneurship, investment, at sustainable income para sa mga OFW na umuuwi. Nais naming makita nila na ang agrikultura ngayon ay hindi na limitado sa tradisyunal na pagsasaka, kundi isang masigla at naaayon sa teknolohiyang sektor ng negosyo,” ani Guevarra.

Kaugnay nito tinalakay ni Agricultural Credit Policy Council Executive Director Rallen Verdadero ang mga opsiyon sa pagpopondo, habang ipinakita naman ng Agricultural Training Institute ang mga oportunidad para sa capacity building at pagsasanay.

Lumagda rin ang DA at OWWA sa isang memorandum of agreement upang palakasin ang paghahatid ng mga programa at serbisyo sa agrikultura para sa mga OFW.

Sa Wanju, binisita ng delegasyon mula sa Pilipinas ang county agricultural technology center at isang strawberry smart farm na ang mga trabahador ay walong Pilipinong seasonal worker mula sa Mina, Iloilo.

May 278 Filipino seasonal workers ang Wanju mula sa anim na local government units sa Pilipinas.Sinusuri rin ng DA kung maaaring makilahok ang mga kwalipikadong kabataang magsasaka sa mga technology-exposure program sa South Korea sa pamamagitan ng Young Farmers Challenge Program, katuwang ang Department of Migrant Workers at mga lokal na pamahalaan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here