Home NATIONWIDE Gov Dax Cua, pararangalan ng Kamara

Gov Dax Cua, pararangalan ng Kamara

2
0

MANILA, Philippines — Magsasagawa ang House of Representatives ng necrological service sa Lunes, Setyembre 21, para parangalan ang buhay at 25 taong serbisyo publiko ng yumaong Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua.

Gaganapin ang serbisyo mula alas-9 ng umaga hanggang tanghali sa plenary hall ng Kamara.

Pumanaw si Cua noong Setyembre 15 sa edad na 48. Nagsilbi siyang kinatawan ng lone district ng Quirino mula 15th hanggang 17th Congress bago muling mamuno sa lalawigan bilang gobernador.

Nagpatibay din ang Kamara ng House Resolution No. 1459 na inakda nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at Minority Leader Marcelino Libanan bilang pagpupugay kay Cua.

Sinimulan ni Cua ang kanyang political career bilang vice governor ng Quirino noong 2001 bago mahalal na gobernador noong 2007 at kongresista noong 2010.

Sa kanyang panunungkulan sa Kamara, naging chairperson siya ng Committees on Ecology at Ways and Means at naging principal author ng ilang batas, kabilang ang Free Internet Access in Public Places Act at Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act.

Bukod sa mga posisyon sa lokal at pambansang pamahalaan, nagsilbi rin si Cua bilang presidente ng Union of Local Authorities of the Philippines at national chairman ng League of Provinces of the Philippines.

Noong 2023, naging unang Pilipinong presidente ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific at muling nahalal para sa terminong 2025 hanggang 2027.

Hindi pa isinapubliko ng pamilya ni Cua ang sanhi ng kanyang pagkamatay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here