MANILA, Philippines — Pansamantalang ipinatupad ngayong Lunes, Setyembre 21, ang work-from-home arrangement para sa mga kawani na nag-oopisina sa New Executive Building (NEB) sa Malacañang bilang bahagi ng security measures kaugnay ng inaasahang mga kilos-protesta.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, walang face-to-face office work sa NEB ngayong araw habang sarado ang gusali bilang bahagi ng standard security protocols.
Bukod sa PCO, matatagpuan din sa NEB ang Office of the Cabinet Secretary at iba pang tanggapan ng Malacañang.
Nauna nang inanunsyo ng Malacañang na isasailalim sa heightened security ang complex ngayong Setyembre 21 kasabay ng mga kilos-protesta para sa anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Samantala, tuloy ang trabaho ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw.
Batay sa abiso ng Malacañang, nakatakdang magsagawa ang Pangulo ng inspeksyon sa ilang proyekto sa Bulacan ngayong Setyembre 21. Kris Jose