MANILA, Philippines — Kinondena ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng iba pa.
“Patunay na ang ganitong uri ng karahasan ay isang mapait na katotohanan na maaaring mangyari sa mga paaralan ng ating mga anak sa anumang oras,” pahayag ni Duterte.
Binatikos din ng Bise Presidente ang administrasyong Marcos, na sinabi niyang nabigong maprotektahan ang mga biktima at survivor ng insidente at dapat gumawa ng higit pang hakbang upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan.
Naganap ang pamamaril noong Setyembre 18 sa Banga National High School. Kinumpirma ng mga awtoridad na tatlo ang nasawi, kabilang ang 14-anyos na itinuturong gunman. Iniimbestigahan pa rin ang mga pangyayari at motibo sa insidente.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon, kabilang kung paano nakakuha at nakapasok sa paaralan ang menor de edad na may dalang baril.
Iminungkahi rin ng Department of Education ang pagbuo ng Joint School Safety Task Force katuwang ang Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police upang magsagawa ng security assessments sa mga pampublikong paaralan. RNT