MANILA, Philippines – Itinanggi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Martes ang kumakalat na ulat na dalawang katao umano ang nasawi sa mga kilos-protesta sa Maynila noong Setyembre 21.
Ayon sa NCRPO, batay sa kanilang monitoring at mga ulat mula sa mga pulis na naka-deploy sa lugar, walang naitalang nasawi o casualty sa mga protesta.
“Based on real-time monitoring and the reports submitted by our personnel on the ground, no fatalities or casualties occurred during the activity,” pahayag ng NCRPO.
Sinabi rin ng pulisya na nagkaroon ng panandaliang tensyon ngunit agad umano itong naayos sa pamamagitan ng dayalogo at pagpapatupad ng maximum tolerance.
Nauna nang sinabi ng Philippine National Police na walang inaresto sa mga insidente ng tensyon noong Lunes at ang ilang indibidwal na pinigilan ng mga pulis ay agad ding pinakawalan.
Hinimok naman ng NCRPO ang publiko na beripikahin muna ang impormasyon sa mga awtoridad bago magbahagi ng mga ulat na maaaring magdulot ng pangamba. RNT