Home HOME BANNER STORY Taas-pasahe, ‘last resort’ lang sa gitna ng fuel price surge — Malakanyang

Taas-pasahe, ‘last resort’ lang sa gitna ng fuel price surge — Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – Hangga’t maaari ay nais ng administrasyon na maiwasan ang pagtataas ng pamasahe sa pampublikong transportasyon sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na dapat maging “last resort” ang fare hike habang patuloy na naghahanap ang gobyerno ng paraan upang matulungan ang mga tsuper at iba pang transport workers nang hindi ipinapasa sa mga pasahero ang dagdag na gastos.

“Hindi po kasi sa ngayon inclined talaga na magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan, pero hindi po naman sinasara ang pintuan patungkol po dito,” ani Castro.

Aniya, kailangan munang magkaroon ng rekomendasyon bago makapagpasya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa anumang fare adjustment.

Nakatakda namang magsumite ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Transportation ng rekomendasyon nito sa mga nakabinbing petisyon para sa taas-pasahe pagsapit ng Oktubre.

Isasaalang-alang umano rito ang kakayahan ng mga commuter na tugunan ang mas mataas na pamasahe, tulong ng gobyerno sa transport sector at posibleng epekto nito sa inflation.

Samantala, sinabi ng Palasyo na hindi nito mapipigilan ang planong dalawang araw na transport strike ng Pagkakaisa ng mga Samahang Tsuper at Operator Nationwide sa Setyembre 29 at 30.

Humihiling ang ilang transport group ng fare adjustment dahil sa tumataas na operating costs, kabilang ang presyo ng langis at bayarin sa mga modernization loan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here