Home NATIONWIDE Malakanyang, bukas sa ‘prangkisa’ para sa social media platforms

Malakanyang, bukas sa ‘prangkisa’ para sa social media platforms

1
0

MANILA, Philippines – Bukas ang Malacañang sa panukalang obligahing kumuha ng congressional franchise ang mga social media platform bago makapag-operate sa Pilipinas, ngunit sinabi nitong kailangan munang suriin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga detalye ng panukala bago magtakda ng pinal na posisyon ang administrasyon.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinag-uusapan na rin ng administrasyon at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang hakbang upang magkaroon umano ang gobyerno ng mas malinaw na jurisdiction at authority sa mga online platform.

“Napag-uusapan din po iyan, at iyan din po ang nais ng DICT at iyan din po ang pinu-propose para hangga’t maaari ay magkaroon tayo ng jurisdiction at authority over these social media platforms,” ani Castro.

Kabilang sa mga panukalang nasa Kamara ang House Bill No. 4786 ni Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez na naglalayong amyendahan ang Public Service Act upang ikategorya ang social media platforms bilang public services na mangangailangan ng congressional franchise. Nakabinbin ang panukala sa House Committee on Economic Affairs.

Ayon kay Castro, hindi pa ito nangangahulugang suportado na ng Pangulo ang isang partikular na bersyon ng panukala.

“Definitely kapag nabasa po siguro ng Pangulo kung ano ang nilalaman ng mga version na iyan, kapag nakitang maganda at nakakabuti sa ating mga kababayan, hindi naman ito maghahadlang,” aniya.

Kasabay nito, patuloy ding tinatalakay sa Kamara ang iba pang panukalang naglalayong higpitan ang proteksyon ng mga menor de edad sa social media, kabilang ang age restrictions at child-safety requirements para sa mga platform.

Sinabi rin ng Palasyo na hinihintay nito ang aksyon ng Meta sa isang panukalang memorandum of understanding kaugnay ng safety measures laban sa violent at harmful content sa mga platform nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here