MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagbaba ng voting threshold sa kanyang impeachment trial, iginiit na maaari umano itong magresulta sa “manufactured” conviction kung hindi makuha ang dating kinakailangang 16 boto.
Ayon kay Duterte spokesperson Atty. Paolo Panelo, malinaw umano sa Konstitusyon na kailangan ang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado, na katumbas ng 16 boto sa 24-member chamber.
Iginiit din niya na ang simpleng pagkawala o kawalan ng kakayahang makilahok ng ilang senador ay hindi dapat awtomatikong magbawas sa denominator ng impeachment vote. Aniya, nananatili silang miyembro ng Senado hangga’t walang legal na vacancy sa kanilang posisyon.
Nauna ring iginiit ng defense panel na dapat manatili sa 16 ang conviction threshold at kinuwestiyon ang pagbabago nito sa kalagitnaan ng impeachment proceedings.
Samantala, binaligtad na ng Senate impeachment court ang naunang “hard 16” ruling ni presiding officer Francis “Chiz” Escudero matapos ang pagtalakay sa apela ni Sen. Erwin Tulfo hinggil sa interpretasyon ng “all the Members of the Senate.”
Binabalaan din ni Panelo na maaaring magkaroon ng mas malawak na epekto ang flexible voting threshold sa interpretasyon ng iba pang constitutional voting requirements sa hinaharap. RNT