MANILA, Philippines – Natukoy na ng mga awtoridad ang isang taong pinaghihinalaang nanghikayat o nag-impluwensiya sa menor de edad na sangkot sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sinabi ni Remulla na nasa Pilipinas ang mga umano’y recruiter at patuloy ang operasyon ng mga awtoridad laban sa kanila.
“[Nasa] Pilipinas [yung] recruiters. Nahuli na namin yung isa. We’re chasing him right now,” ani Remulla.
Ayon sa kalihim, sinasamantala umano ng mga sangkot ang insecurities ng mga kabataan at hinihikayat silang gumawa ng karahasan kapalit ng ideyang maaari silang makakuha ng pagkilala.
Nauna nang sinabi ni Remulla na lumitaw sa imbestigasyon na na-expose ang 14-anyos na estudyante sa mga online community sa “deep dark web” na umano’y nagluwalhati sa karahasan. Ang ugnayang ito ay bahagi pa ng imbestigasyon ng mga awtoridad.
Tatlong estudyante, kabilang ang shooter, ang nasawi sa pamamaril noong Setyembre 18, habang anim ang nasugatan, ayon sa police investigation.
Kasunod ng insidente, itinutulak din ng DILG ang mas mahigpit na pagbabantay sa online activities ng mga menor de edad at mga hakbang laban sa websites at online groups na nagpo-promote umano ng karahasan. RNT