Home NATIONWIDE St. Padre Pio Shrine sa Batangas, pormal nang idineklarang international shrine

St. Padre Pio Shrine sa Batangas, pormal nang idineklarang international shrine

4
0

BATANGAS – Pormal nang idineklarang International Shrine nitong Miyerkules, Setyembre 23, ang National Shrine and Parish of St. Padre Pio sa Sto. Tomas City, Batangas, kasabay ng kapistahan ng Italian saint.

Sa pamamagitan ng decree ng Dicastery for Evangelization na inilabas noong Mayo 25, 2026, itinaas ng Vatican ang status ng shrine bilang international shrine.

Dahil dito, ang St. Padre Pio Shrine ang naging ikalawang international shrine sa Pilipinas, kasunod ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City.

Ayon kay Lipa Archbishop Gilbert Garcera, presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), pagkilala rin ang deklarasyon sa debosyon at pastoral charity ng mga lokal na mananampalataya na tumulong upang maging isang sanctuary ang lugar.

“Rooted in Padre Pio’s profound compassion for human suffering, this sanctuary serves as a living haven of medical, physical, and spiritual healing,” ani Garcera.

Sinabi niyang sa pamamagitan ng monthly healing Mass tuwing ika-23 ng buwan, pastoral care at Sacrament of Reconciliation, patuloy na nagbibigay ang shrine ng suporta at pag-asa sa mga dumaranas ng karamdaman at iba pang pagsubok.

Kasunod ng elevation nito, plano rin ng shrine na magsagawa ng Eucharistic celebrations sa English at iba pang wika at magtatag ng mga ministry para sa lokal at international pilgrims.

Ang 12-hectare shrine, na naglalaman ng first-class relics ni St. Padre Pio, ay nagsimula bilang maliit na chapel noong 2003. Naging archdiocesan shrine ito noong 2008 at idineklarang national shrine noong 2015.

“Meron silang matatakbuhan, meron silang pahingahan, meron silang lugar kung saan pwede nilang makatagpo ang Diyos at maramdaman ang Kanyang pagmamahal at awa,” ani Fr. Oca Andal, rector ng International Shrine of St. Padre Pio.

Si Padre Pio of Pietrelcina ay isang Italian priest ng Order of Friars Minor Capuchin na kilala rin bilang stigmatist at mystic. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here