MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) na gamitin sa nakatakdang special election sa Batanes ang ilang supplies at paraphernalia na inilaan para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) upang makatipid sa gastusin.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kabilang sa maaaring gamitin ang indelible ink, ballpen at thumbprint tape dahil limitado ang budget ng poll body para sa special polls.
“Since the Comelec lacks the needed budget, we could borrow them for the time being just so we will have something to use in Batanes,” ani Garcia.
Kapag nagamit ang mga naturang supplies, sinabi ni Garcia na kabilang na lamang sa pangunahing pagkakagastusan ang honoraria ng mga guro, mobilization ng election personnel at pag-imprenta ng mga balota.
Tinitingnan ng Comelec ang Disyembre 19 bilang posibleng petsa ng special election upang punan ang nabakanteng lone congressional district seat ng Batanes kasunod ng pagkamatay ni Rep. Ciriaco Gato Jr. noong Setyembre 21.
Ayon kay Garcia, pasok ang naturang petsa sa itinakdang panahon para sa pagsasagawa ng special election kasunod ng pagkabakante ng congressional post. RNT