Home METRO 15 patay sa dengue sa Iloilo; kaso lumobo sa 3,200

15 patay sa dengue sa Iloilo; kaso lumobo sa 3,200

2
0

ILOILO — Umabot na sa 15 katao ang nasawi sa dengue sa lalawigan ng Iloilo habang halos 3,200 kaso ang naitala mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, ayon sa Provincial Health Office (PHO).

Pinakamaraming nasawi sa Estancia na may limang fatalities, sinundan ng Carles na may tatlo. May tig-isang pagkamatay din na naitala sa Ajuy, San Dionisio, Sara, Miag-ao, San Rafael at San Joaquin.

Nauna nang iniulat ng Iloilo PHO na patuloy ang dengue transmission sa lalawigan kahit mas mababa ang kabuuang bilang ng mga kaso kumpara noong nakaraang taon. Noong unang bahagi ng Setyembre, umabot na sa 96 barangay sa 29 munisipalidad at Passi City ang may dengue clustering.

Ayon kay Iloilo Provincial Health Officer Dr. Maria Socorro Quiñon, patuloy na nakatatanggap ang kanilang tanggapan ng mga bagong kaso kaya maaari pang tumaas ang bilang ngayong buwan.

Binigyang-diin din ng PHO ang kahalagahan ng maagang pagpapakonsulta kapag nakararanas ng sintomas ng dengue. Marami umano sa mga nasawi ang mga bata at may ilang pasyenteng nagpakonsulta lamang matapos humupa ang lagnat, sa paniniwalang bumubuti na ang kanilang kondisyon.

Patuloy ding hinihikayat ng PHO ang mga residente na alisin ang mga posibleng pamugaran ng lamok at sundin ang 4S strategy kontra dengue—Search and Destroy, Secure Self-Protection, Seek Early Consultation at Support Fogging and Spraying sa mga lugar na kinakailangan.

Wala pang idinedeklarang dengue outbreak sa Iloilo sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here