Home NATIONWIDE DOJ kinuwestiyon sa Senado sa paggamit ng utak ng flood control scam...

DOJ kinuwestiyon sa Senado sa paggamit ng utak ng flood control scam bilang state witness

3
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang ilang senador sa isinasagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa malawakang korapsyon sa flood control projects sa paggamit ng “state witness” status sa mga indibidwal na dapat ding papanagutin,

Sa ginanap na budget hearing ng DOJ at attached agencies sa Senado, kinuwestiyon ng ilang senador ang paggamit kina dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Undersecretary Roberto Bernardo bilang state witness kahit marami ang naniniwala na sila mismo ang utak ng flood control scandal.

“Maraming nagtatanong pa rito sa flood control, sa mga makakasuhan na mga contractors, congressmen, kasi po, pasensya na po marami rito ito yung mga nagsimula na modus eh,” ani Sen. JV Ejercito sa pagdinig sa budget ng DOJ nitong Huwebes.

“‘Yung mga most guilty, hindi dapat pwede silang maging state witnesses,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ni Sen. Kiko Pangilinan ang desisyon na gawing state witness sina dating Bonoan at Undersecretary Bernardo sa korapsyon sa flood control projects.

“I remember during the flood control hearings, si Usec Bernardo testified as to the amounts that were turned over to Secretary Bonoan… his statement unless rebutted is evidence then that’s about 15 billion pesos, but he is now a state witness, both of them are state witnesses so how do you reconcile that?” ani Pangilinan.

Nilinaw ni DOJ Prosecutor-General Richard Anthony Fadullon na hindi ang DOJ ang nagdesisyon na gawing state witness si Bonoan.

“Insofar as the admission or the declaration of Secretary Bonoan to be a state witness, the DOJ had nothing to do with that… he was among those who was charged,” ani Fadullon.

“When the case was filed before the Office of the Ombudsman, which then in turn filed it with the Sandiganbayan, it was only then that it was decided that he would be utilized as a state witness,” dagdag niya.

Ayon naman kay DOJ Secretary Fredderick Vida, project-specific ang kasunduan sa mga kasalukuyang state witness. “Ibig sabihin, kung mapatunayan na sangkot sila sa iba pang flood control projects, hindi awtomatikong saklaw ng kanilang status bilang state witness ang mga kasong iyon.”

“Ang maganda po sa agreement namin sa current four state witnesses, it’s project-specific, so kapag may nadiskubre pa po ang gobyerno o ang pamahalaan na sangkot pa siya sa ibang projects, hindi yun kasama,” ani Vida.

Tiniyak ng DOJ sa mga mambabatas na kailangang matugunan ng isang indibidwal ang ilang kwalipikasyon para maging state witness: ang kaso ay dapat may mabigat na parusa, ang testigo ay dapat may mahalagang kaugnayan sa kaso, at hindi siya dapat ang pinaka-guilty.

Sinabi ng kagawaran na patuloy pa ang imbestigasyon sa flood control projects at hindi ito titigil sa paghahain lamang ng kaso.

“There are about 14 live cases which have been filed, referred to the Office of the Ombudsman at hinahawakan din po ng ating mga prosecutors sa DOJ,” ani Fadullon.

“Hindi po nagtatapos doon sa mga naisampang kaso lang, patuloy po na nangangalap ng ebidensya din po ang National Bureau of Investigation para matingnan po yung liability and who else can be held accountable,” dagdag niya.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here