LAGUNA, Philippines – Umabot sa 228 katao ang naaresto ng Police Regional Office 4A sa loob ng 24 oras na operasyon kontra ilegal na droga, illegal gambling at mga wanted person sa CALABARZON.
Batay sa accomplishment report ng PRO4A mula alas-6 ng umaga noong Setyembre 23 hanggang alas-6 ng umaga noong Setyembre 24, 2026, nakapagsagawa ang pulisya ng 45 operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa 54 katao.
Nasamsam sa mga operasyon ang 123.74 gramo ng hinihinalang shabu at 4.40 gramo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng ₱841,960.
Samantala, pitong operasyon kontra loose firearms ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa pitong katao at pagkakasamsam ng pitong baril. Mayroon ding pitong loose firearm na boluntaryong isinuko sa mga awtoridad.
Sa kampanya kontra illegal gambling, 85 operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa 174 katao at pagkakasamsam ng ₱82,823.
Patuloy din ang pagtugis sa mga wanted person, kung saan 21 most wanted persons at 44 iba pang wanted persons ang naaresto.
Bukod dito, 1,139 katao ang pinagmulta at 5,888 naman ang sinaway o pinaalalahanan dahil sa paglabag sa mga lokal na ordinansa. MARGIE BAUTISTA