MANILA, Philippines – INAASAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gagamitin ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay ang karagdagang panahon sa kanilang panunungkulan upang higit na mapabuti ang serbisyo publiko at matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
Ayon sa Malakanyang, ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE ay hindi simpleng pagpapahaba ng panunungkulan kundi dagdag na panahon para mas mapabuti ang serbisyo sa taumbayan.
“Sa paglagda natin sa batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, malinaw ang ating inaasahan sa ating mga kasalukuyang opisyal. Gamitin ang panahong ito upang mas pagbutihin ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa at mas tutukan ang pangangailangan ng bawat komunidad, pamilya at kabataan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Malakanyang na kaakibat ng karagdagang panahon ang patuloy na pananagutan ng mga opisyal sa kanilang mga nasasakupan.
“Ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dagdag na panahon para maglingkod,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, itinakda sa limang taon ang termino ng mga halal na opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan. Gaganapin ang susunod na regular na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at kada limang taon pagkatapos nito.
Itinuturing naman ng batas na natapos na ng mga incumbent barangay officials ang isang termino dahil sa dalawang taong extension ng kanilang panunungkulan. Ang mga opisyal na nasa kanilang huling termino sa parehong posisyon ay hindi na maaaring kumandidato sa parehong posisyon sa 2028 BSKE.
Inaatasan din ng batas ang Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Elections (COMELEC), state universities and colleges, at iba pang kaukulang ahensya, na magsagawa ng tuloy-tuloy na training at capacity-building programs para sa barangay at SK officials.
Mananatili ring saklaw ng mga umiiral at hinaharap na administrative, civil at criminal investigation at pananagutan ang mga incumbent officials sa panahon ng transition, alinsunod sa batas.
Dahil dito, inaasahan ng Malakanyang na gagamitin ng mga opisyal ang karagdagang panahon upang ipagpatuloy ang paghahatid ng serbisyo at pagpapatupad ng mga programa para sa kanilang mga nasasakupan.
“Hindi ito dagdag na panahon sa pwesto. Dagdag itong panahon ng pananagutan sa taumbayan,” ayon sa Malakanyang. KRIS JOSE