MANILA, Philippines – Inamin ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Setyembre 25 na ginagamit nito ang social media platform na Discord ngunit sinabi rin na hindi naapektuhan ang operasyon nito nang ipagbawal sa loob ng 24 na oras.
Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson PCol. Allen Rae Co na ang Discord ay isa sa mga plataporma na ginagamit nila sa komunikasyon.
“Meron po talaga tayong system na gumagamit ng Discord, depende lang po sa need of the situation kung ano ang mas ginagamit po nating platform,” ani Co.
“There was no disruption sa ating operation. We have ready contingency plans. We do not rely on just one mode of communication. Kung mag-fail man ang isang system, meron po tayo palaging naka-ready,” ipinunto pa niya.
Matatandaan na noong Miyerkules ay kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na ipinagbawal na ang Discord sa Pilipinas bilang aksyon sa mga isyu ng karahasan sa mga paaralan at komunidad.
Agad namang inalis ang ban nitong Huwebes matapos umanong mangako ang mga opisyal ng Discord na makikipagtulungan sa pamahalaan para magpatupad ng mas matibay na child safety protocols at tugunan ang iba’t ibang pangamba ng pamahalaan kaugnay sa grooming, nihilistic violent extremism, at iba pa. RNT/JGC