MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang gobyerno na tiyakin na matatag ang oil supply para mapigilan ang posibleng “domino effect” sa presyo ng petroleum products at mga pangunahing bilihin.
“Hindi natin ito mapasisinungalinan na tumataas ang presyo ng krudo at kaakibat nito ay may domino effect, na maari rin na magdulot ng pagtaas ng ibang mga presyo ng bilhin,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Inilabas ni Pangulong Marcos ang nasabing direktiba sa gitna ng pagsirit ng presyo ng langis, na para kay Castro ay wala sa kontrol ng Pangulo dahil sa nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
“At kahit ganoon pa man ang nangyari, sinisiguro ng Pangulo, na dapat ang supply ng fuel sa ating bansa ay hindi mahihinto. Hindi pag-uusapan ang presyo. Ang pag-uusapan dapat ay ang supply,” aniya pa rin.
“Dahil kahit mababa ang presyo na maibigay sa atin pero walang supply, ang mangyayari pa rin sa atin, sa negosyo natin, sa buhay natin, hihinto. Kaya ang sinisiguro ng Pangulo, dapat ang supply ng fuel, ng krudo ay tuloy-tuloy,” dagdag na wika nito.
Tinukoy ang data mula sa Department of Energy (DOE), sinabI ni Castro na ang supply inventory ng bansa ay tumaas mula sa 30 araw ay naging 54 araw.
Ani Castro, committed ang gobyerno na patuloy na magbigay ng tulong sa mga apektadong sektor kabilang na ang transport industry.
Aniya, ang fuel subsidy ay tumaas sa P12 kada litro mula sa P10, hinahayaan ang transport workers na makatipid ng hanggang P1,800 kada linggo.
“Lahat pong ito ay ginagawa ng Pangulo, ginagawa ng pamahalaan para kahit papaano ay makaagapay tayo, iyong pisi ay mapag-abot natin para sa ikagiginhawa ng ating mga kababayan,” ang sinabi ni Castro.
Inaasahan naman na gagawa ng agarang desisyon si Pangulong Marcos ukol sa posibleng pagtapyas o suspensyon ng fuel excise taxes matapos matanggap ang rekumendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), araw ng Martes.
“The DBCC review follows the DOE’s formal certification that the one-month average price of Dubai crude reached USD99.41 barrel from Aug. 13 to Sept. 11, well above the USD80-per-barrel threshold under Republic Act No. 12316 for possible suspension or reduction of fuel excise taxes,” ayon sa ulat. KRIS JOSE