MAY mga taong umaalis sa mundong ito, ngunit hindi kailanman nawawala ang kanilang mga iniwang alaala, prinsipyo at malasakit sa kapwa.
Kabilang dito si Don Emilio T. Yap, isang haligi ng pamamahayag at nagbigay sa ating lipunan ng malaking ambag sa larangan ng serbisyo publiko. Ang pangalan ni Don Emilio ay hindi lamang nakaukit sa kasaysayan ng Manila Bulletin kundi maging sa puso ng lahat ng mga opisyales at miyembro ng National Press Club.
Nito lamang nakaraang Huwebes, naging makahulugan ang “unveiling of the bust” ni Don Emilio sa NPC na pinangunahan ng kanyang apo at kasalukuyang Presidente ng Manila Bulletin na si Dr. Emilio C. Yap III. Ang event ay higit pa sa isang seremonya. Isa itong pagkilala sa isang taong nagbigay-halaga sa papel ng media sa lipunan dahil sa kanyang pagnanais na proteksyunan ang kapakanan ng mga mamamahayag.
Hindi rin dapat kalimutan ang isa sa pinakamahalagang pamana ni Don Emilio sa NPC, ito ay ang NPC Medical Building na ipinagkaloob niya sa samahan para magsilbi sa pangangailangang pangkalusugan ng mga miyembro ng press club at mga benepisyaryo.
Pinalad tayong maging saksi sa magandang kuwento ng malasakit ni Don Emilio kabilang ang kaniyang adbokasiyang buhay na buhay sa kasalukuyan.
Sa katunayan, ang nakaraang pagkukumpuni at pagsasaayos ng NPC Medical Building ay naisagawa sa panahon ng kanyang apo na si Dr. Emilio C. Yap III. Pagpapatunay lamang na ang kanyang simulain ay minana at naging inspirasyon ng kasalukuyang presidente ng Manila Bulletin.
Pagpapatotoo rin ito na ang yaman at tagumpay ay mas nagiging makabuluhan kapag patuloy na ipinadarama ang tunay na pagmamalasakit, pagmamahal at pagtulong sa komunidad.
Ang pagpupugay na ito ay hindi lamang para kay Don Emilio at sa kanyang pamilya. Ito rin ay para sa mga taong bumubuo, nagpapatakbo at nag-iingat sa pamana ng Manila Bulletin kabilang ang mga mamamahayag, editor, empleyado, lider at iba pang katuwang na patuloy na nagbibigay-buhay sa isang institusyong naging bahagi na ng ating kasaysayan.
Ang bust ni Don Emilio T, Yap ay maaaring gawa sa bato o metal ngunit ang tunay niyang bantayog ay ang serbisyong patuloy na nakikita, nadarama at napakikinabangan hindi lamang ng NPC at mga mamamahayag kundi pati na rin ng buong sambayanan.






