Home TOP STORIES Bangkok, nagdeklara ng flood disaster matapos ng 48-oras ng ulan

Bangkok, nagdeklara ng flood disaster matapos ng 48-oras ng ulan

3
0
A person wades through a flooded street during heavy rain in Bangkok, Thailand, September 26, 2026. REUTERS/Patipat Janthong

BANGKOK, Thailand – Idineklarang flood disaster ang buong Bangkok matapos ang halos 48 oras na malakas na ulan na nagdulot ng pagbaha sa mga bahay, tindahan at kalsada.

Mahigit 300 millimeters ng ulan ang naitala sa ilang lugar mula Huwebes ng hapon hanggang Sabado ng umaga. Dahil dito, napilitang paikliin ni Prime Minister Anutin Charnvirakul ang biyahe nito sa London upang makauwi.

Idineklarang disaster area ng Bangkok Metropolitan Administration ang lahat ng 50 distrito ng kabisera, na nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa mga lokal na organisasyon upang rumesponde.

Sinabi ni Bangkok Governor Chadchart Sittipunt na “stabilized” na ang sitwasyon. Gayunman, kung wala nang karagdagang ulan, aabutin pa umano ng dalawa hanggang tatlong araw bago maubos ang tubig-baha.

“Our problem is that the canals are full,” ani Chadchart.

Aabot sa waist-deep ang tubig sa ilang lugar, habang ilang residente ang napilitang maglakad o magtulak ng motorsiklo sa baha. May mga sasakyan ding bahagyang nalubog sa tubig.

Nasa 980 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation shelters, habang 36 bedridden patients ang inilipat sa mga ospital. Naghanda rin ang pamahalaang lungsod ng isang milyong sandbag.

Hindi bababa sa 13 pangunahing kalsada ang binaha. Ilang convenience store naman ang naubusan ng ilang pangunahing produkto matapos mag-unahan ang mga residente sa pagbili.

Dahil sa sitwasyon, magsasara ang mga paaralan sa Lunes at hiniling sa ilang empleyado ng pamahalaan na mag-work from home.

Mula Setyembre 1 hanggang 25, nakapagtala ang Bangkok ng 487 millimeters na ulan, mas mataas kumpara sa average na halos 269 millimeters sa kaparehong panahon mula 1991 hanggang 2020.

Samantala, iniulat din ang pagbaha sa 21 probinsya sa Thailand, habang inaasahan pa ang karagdagang ulan sa Linggo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here